Tiniyak ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) MIMAROPA Region na sumunod sa quarantine protocols ang ore shipment ng Berong Nickel Corporation (BNC) na may operasyon ng minahan sa Brgy. Berong, bayan ng Quezon, Palawan.

Ito ay kaugnay ng isang Facebook post noong Abril 1, 2020 kung saan kinwestyon ang pagdaong ng isang barko sa Brgy. Berong upang magkarga ng nickel mula sa BNC sa kabila ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon sanhi ng COVID-19 pandemic. Ikinabahala rin ng nasabing Facebook user ang posibilidad na mayroong sakit ang mga sakay ng barko.

Sa pamamagitan din ng Facebook post ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Asec. Marcial Amaro Jr., tinawag niya ang pansin ng DENR MIMAROPA Regional Executive Director at MGB MIMAROPA Regional Director kaugnay ng isyung ito. 

Sa ipinadalang memorandum noong Abril 2 kay DENR Usec. Juan Miguel Cuna, nilinaw ni MGB MIMAROPA Regional Director Roland de Jesus na tumalima ang BNC sa Memorandum Order ng Executive Secretary ng Office of the President noong Marso 16 tungkol sa implementasyon ng ECQ, at sa Executive Order No. 48 ng Provincial Government ng Palawan noong Marso 18 na nagbibigay-pahintulot sa export-oriented industries na magpatuloy ng kanilang operasyon batay sa isinaad na guidelines sa social distancing at quarantine procedures.

Dagdag pa ng ahensya, isinaalang-alang din ang mahigpit na pagsunod ng kompanya sa naunang inilabas na Memorandum Circular No. 2020-07 “Guidelines at All Seaports for Prevention and Spread of Novel Coronavirus COVID-19” ng Bureau of Quarantine (BOQ) ng Department of Health.

Sang-ayon din ito sa press release ng Public Information Office ng Probinsya ng Palawan kung saan siniguro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na sumailalim sa tamang health at safety protocol ang mga tauhan ng naturang cargo vessel, kabilang ang 14-day quarantine period bago ang loading at ang pag-disembark mula sa barko.  

Ayon sa records ng MGB MIMAROPA Region, nag-issue ito ng Ore Transport Permit at Mineral Ore Export Permit sa BNC noong Marso 6.

Bago pa dumating noong Marso 14 ang cargo vessel na M/V New Beginning mula Japan, nagsumite ang ship master sa BOQ Palawan Station, sa pamamagitan ng ship agent nito, ng Health and History of Travel/Exposure Declaration ng mga sakay nito noong Marso 11. 

Kabilang sa mga dokumentong ipinresenta ng M/V New Beginning sa mga awtoridad ang Crew Temperature List, Port of Call, Voyage Memo, Maritime Declaration of Health, at IMO Crew List. Inisyuhan din ang cargo vessel ng free pratique mula sa BOQ Port of Berong, sa pagdaong nito noong Marso 14.

Nagsimula ang pagkarga ng ore mula sa barge ng BNC noong Marso 19, ngunit naantala ng sumunod na araw dahil sa tigil-trabaho kaugnay ng pagpapatupad ng ECQ ng Brgy. Berong. Pinahintulutan ang kompanya na ipagpatuloy ang loading ng ore sa M/V New Beginning noong Marso 29.

Mayroon ding isinumiteng NCOV-19 protocol ang BNC kaugnay ng procedure sa receiving ng foreign vessels mula China, disembarkation protocol, proper handwashing, at disinfection measures.

Sa pakikipagtulungan sa DENR, siniguro ng pamununan ng MGB MIMAROPA Region na regular ang ginagawang pakikipag-ugnayan sa mga minahan sa Palawan, at mahigpit ding binabantayan ang lahat ng ore loading activities sa probinsya.